POPULASYON: Hindi Mapigilang Agos
Bawat paglubog at pagsikat ng araw ay kasabay nito ang unti-unting lumalaking bilang ng tao na nakatira sa bansang Pilipinas. Ang ating populasyon ay maihahalintulad sa isang alon sa karagatan na kung saan ay hindi mapigilan ang pagdating at pagbugso nito. Kung ating bibigyang kahulugan ang populasyon, ito ay tumutukoy sa bilang ng tao na nakatira sa isang lugar. Ang mga usaping tungkol dito ay isang mahalagang isyu sa isang bansa. Ito ay mahalagang pag-aralan at suriin dahil ito ay makatutulong upang higit na maunawaan ang epekto nito sa bansa.
Ayon sa pagtataya ng Commission on Population, ang populasyon ngayon sa bansang Pilipinas ay umabot na sa 100 milyon. Ang ating bansa ay pan-labindalawa sa mga bansang may pinakamalaking populasyon sa buong mundo batay sa listahan ng United Nations World Population Fund. Bunga sa patuloy na pagdami ng batang isinisilang, ang ating populasyon ay tinatawag na “batang populasyon”. Inilalarawan ng Demographic Transition Theory na higit na mataas ngayon ang bilang ng mga batang isinisilang kaysa sa bilang ng taong namamatay.
Ang kawalan ng edukasyon o kaalaman at mabuting pagpapasiya ay ang mga pangunahing itinuturing na dahilan sa mabilis na paglaki ng populasyon. Ang pagkakaroon ng malaking populasyon ay mayroon ding kaakibat na epekto. Sa positibong aspeto ang malaking populasyon ay maaring maging salik sa pagsulong at pag-unlad ng bansa. Ayon sa pananaw ni Simon Kuznets, isang ekonomista, ang mga bansang malaki ang populasyon ay hindi magkakaroon ng suliranin sa lakas-paggawa. Ito ang nagsisilbing “potential market” o ang pagkakaroon ng malaking produksyon sa ekonomiya.
Sa kabilang banda, ang patuloy na pagtaas ng populasyon ay nagbubunga ng kahirapan, mababang kalagayan ng buhay, malnutrisyon, pagkasira ng kapaligiran, at kakulangan ng hanapbuhay para sa lahat. Ang ganitong sitwasyon ay ang mga suliraning kinakaharap ng mga mahihirap na bansa o Third World Countries. Ipinahayag ni Thomas Robert Malthus ang Malthusian Theory sa aklat niyang “An Essay on the Principle of Population” na ang populasyon ngayon ay mas mabilis lumaki kaysa sa suplay ng pagkain. Binanggit pa niya na kapag hindi nasugpo ang patuloy na paglago ng populasyon ay marami ang magugutom at mamamatay.
Batay sa Microeconomic Theory of Fertility, ang sapat na kaalaman at mabuting pagpapasiya ay ang susi upang mapigilan ang sobrang paglaki ng populasyon. Ito ay napakahalaga hinggil sa pagbuo ng pamilya sapagkat dito matitimbang ang mga epektong maidudulot sa pagdaragdag ng anak. Ngayong mulat tayo sa modernisasyon, ay matuto rin dapat tayong imulat ang ating mga mata at kamalayan sa kung ano ang wastong gawin. Ang paglaki ng populasyon ay marapat na bigyang pansin nating lahat dahil tayo rin naman ang maapektuhan. Sa bawat pagdedesisyon at pagkilos ay may kaakibat na resulta, mabuti man o hindi. Bawat isa sa atin ay may karapatang makapili ng tatahaking landas kaya marapat lamang na gamitin ito sa matalinong paraan upang sa gayon ay hindi tayo magsisi sa huli. Kung isasaalang-alang lamang natin ito, kasabay ng pamumukadkad ng bulaklak ay ating masisilayan ang napakagandang sinag ng araw, ang araw ng bagong simula.