Biyernes, Enero 16, 2015

TUWID NA LANDAS


Pangyayari sa paligid tunay na hindi maipinta
Laganap na ngang lubos ang mga krimen at katiwalian
Idagdag mo pa ang mga nangyayaring mga digmaan
Ilang henerasyon ang dumaan, hindi pa rin mawala

Tumatangis at naghihinagpis ang ating Inang Bayan
Sa mga gawaing hindi makatao at makatarungan
Nasadlak sa dusa’t dilim, sa liwanag napagkaitan
Masikatan ng panibagong araw ay inaasahan

Tayo’y natulad kay Huli na naaliping bayad-utang
Tayo’y natulad kay Sisa na binaliw ng kahirapan
Isiping mabuti, sino talaga ang may kasalanan
Hindi ba tayong mga Juan na nagpaalipin naman

Modernong panahon na, nakaraa’y nauulit pa rin
Ugnayan natin sa pamahalaan ay masasalamin
Sa pamamahala ng bansa hindi magkaunawaan
Kaya naman naging resulta, protesta kaliwa’t kanan

Saan man tignang anggulo, tayo pa rin ang nagkasala
Inihalal na pinuno, ngayo’y gusto nating alisin
Sino bang naghalal, hindi ba tayo rin namang mga Juan
Nasa atin ang may mali at wala sa pamahalaan

Gumising, kalayaan sa paghalal ay gamiting tama
Matuto tayo na bumangon mula sa mga pagdurusa
Ng ang kawawaan ng bayan ay tuluyan ng mabura
Sama-sama nating masisilayan ang bagong simula.

WANDERING FOR REAL HAPPINESS


I wandered lonely as a wing
That blows on high mountains and hills,
Until I saw beautiful scenery:
A place of refulgent sunflowers;
Beside the water that flows, beneath the tress,
Dancing gracefully in my breeze.

Continuous in fluttering as the sun that shines,
And giving a light and joy to everyone.
They rooted in never-ending line,
Along the side of the flowing water:
I saw these things at a glance-
Moving their heads and petals in sprightly dance.

The flows of water beside them danced; but they
Out-did the sparkling water in great delight
A wind like me wanders everywhere,
Seeking for my real happiness:
I gazed-and-gazed but little thought
What scenery the show to me had brought.

For oft, when I sat as I watched them,
In deep and in pensive mood,
They flash quickly upon that inward eye,
Which is a bliss of solitude;
And then my thoughts and heart with satisfaction fills,
As I go and dance with the sunflowers.













YOU ARE MY MAN


Your presence is what I seek for
With you, being enlighten, I always felt
You cheer me when I am blue
Giving me light in my path
To see at least a pleasant way

You are always by my side
Guiding and protecting me wherever I go
O God, up in heaven
You are the fountain of wisdom
Never being tired of listening to me

I see you as my very own star
That serves as the light in facing my problems
Without You, I am not here
You gave me a precious life
A life that is full of hope

Hundreds of silver moons had passed in my life
But with Your help, my sorrows had vanished
Helping to continue my dream
A dream that shines brightly as the rays of the sun
You lift me with your mighty hands

I have so much to thanked for
On every blessings you have given to me
You embrace me with your love
You walk with me ad forgive me
Aye, you never leave me alone even in the vast darkness.



MINSA’Y NANGARAP


Gamugamo ka ngang sa liwanag naaakit
Puso’t isip ay mapusok, palibhasa’y sabik,
Na iyong matuklasan isang bagong daigdig
Mag-iingat ka sana, sa pangaral makinig.

Ikaw ay musmos o paslit ngayong naturingan
Nais tumuklas ng maraming kaalamanan
Gayahin at sundin tanging kabutihan lamang
Sa kasamaan at dilim, huwag patatangay.

Ang anumang suliranin, imposible pa man
Huwag mong katakutan, huwag mo ring atrasan.
Magtiwala ng lubos sa angking kakayahan,
Manalig sa Maykapal, ikaw ay gagabayan.

Magarap ka ngayon, ika’y lumipad sa mga ulap,
Gamitin iyong pakpak, abutin ang pangarap.
Kalayaan mo at giting, lubos na hangarin,
Mga taong humubog sa’yo, huwag mo lang limutin

IKAW NA HUMUSGA


Daigdig nati’y puno ng mga matang mapanghusga.
Lahat ng kilos, sinusubaybaya’t pinupuna.
Papuri’t kritisismo, nariyan na ngang tuwina,
Anumang gawin hindi maiiwasang talaga.

Bibig, mata’t isip ay ibinigay ng Maykapal,
Nang magamit natin sa makabuluhang paraan.
Ngunit ito ay naging taliwas sa nararapat,
Ginawang instrumento upang masaktan ang kapwa.

Sa bawat paghusga’t paghatol kaagad sa iba,
Sa pagbibigay puna sa may sariling buhay,
Sa pagtingin sa panlabas na kaanyuan lamang:
Nagpapatunay sa isang makitid na isipan.

Sadyang asal na nga ng marami ang pagdudahan,
Ang magagandang bagay tungkol sa kanilang kapwa.
Naniniwalang tunay ng walang alinlangan,
Sa hindi magandang bagay na naririning nila.

Huminto muna sumandali at magmuni-muni.
Tumingin sa salamin at tanungin ang sarili,
Mga ginagawa ba’y nakalulugod sa Itaas.
Imulat mata’t kamalayan sa kung ano ang tama.

Sikapin sana nating huwag humatol kaagad,
Wala tayong malay sa magiging hatid ng bukas.
Pangyayari sa buhay, pira-pirasong pangarap,
Tanging ang Diyos lamang natin, may alam ng lahat.




MAGING MATATAG SA HAMON NG BUHAY


Sa aking pagtanaw sa bintana ay aking nakita ang tunay na buhay ng isang tao. Nasulyapan ko ang pagtangis at pagdadalamhati sa kanilang mga mata. Dahil sa pangyayaring ito, naitanong ko sa aking sarili, bakit kaya hindi maalis ang pagdanas ng mga problema at pagsubok sa buhay? Itong mga problema ay ang nagiging dahilan upang mawalan ng pag-asa at manatili na lamang sa pagkakalugmok ang ilang tao. Masakit isipin na ang ilan sa atin ay hindi na nagagawang humanap ng paraan upang malagpasan at makaraos sa pagdurusa.

Lahat ng tao ay nagkakaroon ng problema. Ito ay maaaring problema sa kalusugan, edukasyon, pagmamahal, pamilya, pera, at iba pa. Hindi natin masasabi kung kailan ito darating. Minsan ay paggising pa lang, may problema na agad na hinaharap. Tila ba, ang mga problema at pagsubok ay isang malakas na hampas ng alon sa isang kastilyong buhangin na kung saan ay ang sumisira sa buhay.
Bagaman, huwag kang sumuko agad at sa halip ay alalahanin palagi ang salitang MATATAG.

M – Manalangin sa Panginoon: Tandaan mo na napakalaking tulong ang nagagawa ng isang taos-pusong panalangin sa pagharap sa problema. Ito ang pinakamalakas na sandata sa lahat. “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos”, ang sabi sa Filipos 4:6. Kaya naman napakahalaga ng isang panalangin dahil tutulungan ka ng ating Panginoon upang iyong malampasan ang kahit anong pagsubok. Ikaw ay Kanyang gagabayan at aalalayan sa pagtahak sa buhay.

A – Alisin ang takot:  Kahit ano pa mang problema, matutong tanggalin ang nadarama mong takot na baka hindi mo ito kayanin. Lagi mong isipin na magtatagumpay ka. Kung hindi mo aalisin ang takot, hindi ka talaga magwawagi at tatalunin ka lamang ng problema. Sabi nga, “what the mind can imagine and believe it can be achieved.”

T – Tanggapin ang problema: Kung dumating man ang mga pagsubok, huwag mo itong iwasan bagkus ay tanggapin at harapin mo ito ng buong tapang. Kung tatakasan mo ito ay wala pa ring mangyayari at patuloy ka pa ring hahabulin nito. Kung iiwas ka, hindi mo malalaman na kaya mo pala itong harapin.

A – Ayusin ang pananaw sa buhay: Gaano man kasakit ang iyong nararanasang dagok, maging positibo pa rin sa pagharap nito. Malaki ang nagagawa at naitutulong ng isang positibong pananaw sa buhay upang kayanin ang hampas ng pagsubok dahil dito ka makahuhugot ng lakas at tiwala sa sarili na makakaraos ka mula sa pagdurusa.

T – Tumayo at tuyuin ang luha sa mga mata: Ilang beses ka pa man madapa, magalusan at tumangis, pilitin mo pa ring tumayo, at ipagpatuloy ang paglaban. Huwag kang sumuko sa laban, sa halip ay ibigay mo ang lahat ng iyong makakaya upang mapagtagumpayan ang hamon sa iyo ng buhay.

A – Alamin kung paano malalampasan ang pagdurusa: Humanap ka ng paraan kung paano ka mananalo, isang paraan na hindi huwad, walang bahid ng pandaraya o hindi pagkapit sa patalim. Isipin mo kung paano ka makakalabas sa isang labyrinth. Gamitin mo ang iyong talino at abilidad upang makalampas ka sa pagsubok.

G – Gamitin ang naranasang problema upang patatagin pa ang sarili: Sa bawat pagsubok na iyong nalalampasan at napagtatagumpayan ay nakatutulong ito upang mas mahubog pa ang iyong pagkatao. Ang mga napagdaanang problema ay tumutulong sa iyo upang ikaw ay mas lumakas at tumapang pa sa pagharap sa buhay.

Tunay nga na ang buhay ay tulad ng isang gulong, minsan ay nasa ibaba at minsan ay nasa itaas naman. Kapag nakakaranas ng dagok sa buhay, ikaw ay nasa ibaba ngunit kung napagtatagumpayan mo naman itong harapin, ikaw ay nasa itaas. Kay sarap sa pakiramdam na nakayanan mo ang isang problema dahil bago mo ito nalampasan ay talaga namang dumaan ka muna sa butas ng karayom. Isipin mo lang na sa bawat pagsubok na iyong nalalampasan ay mas nagiging matatag ka. Gayunpaman, sa tulong ng isang tapat na pananalig sa Diyos ay magtatagumpay ka sa hamon. Wika nga nila, “pagkatapos ng ulan ay masisilayan mo ang isang napakagandang bahaghari” na magpapangiti sa iyo at masasabi mo sa iyong sarili na ito na ang bagong simula sa iyong buhay.

Sabado, Nobyembre 1, 2014

POPULASYON: Hindi Mapigilang Agos

POPULASYON: Hindi Mapigilang Agos



Bawat paglubog at pagsikat ng araw ay kasabay nito ang unti-unting lumalaking bilang ng tao na nakatira sa bansang Pilipinas. Ang ating populasyon ay maihahalintulad sa isang alon sa karagatan na kung saan ay hindi mapigilan ang pagdating at pagbugso nito. Kung ating bibigyang kahulugan ang populasyon, ito ay tumutukoy sa bilang ng tao na nakatira sa isang lugar. Ang mga usaping tungkol dito ay isang mahalagang isyu sa isang bansa. Ito ay mahalagang pag-aralan at suriin dahil ito ay makatutulong upang higit na maunawaan ang epekto nito sa bansa.

Ayon sa pagtataya ng Commission on Population, ang populasyon ngayon sa bansang Pilipinas ay umabot na sa 100 milyon. Ang ating bansa ay pan-labindalawa sa mga bansang may pinakamalaking populasyon sa buong mundo batay sa listahan ng United Nations World Population Fund. Bunga sa patuloy na pagdami ng batang isinisilang, ang ating populasyon ay tinatawag na “batang populasyon”. Inilalarawan ng Demographic Transition Theory na higit na mataas ngayon ang bilang ng mga batang isinisilang kaysa sa bilang ng taong namamatay.

Ang kawalan ng edukasyon o kaalaman at mabuting pagpapasiya ay ang mga pangunahing itinuturing na dahilan sa mabilis na paglaki ng populasyon. Ang pagkakaroon ng malaking populasyon ay mayroon ding kaakibat na epekto. Sa positibong aspeto ang malaking populasyon ay maaring maging salik sa pagsulong at pag-unlad ng bansa. Ayon sa pananaw ni Simon Kuznets, isang ekonomista, ang mga bansang malaki ang populasyon ay hindi magkakaroon ng suliranin sa lakas-paggawa. Ito ang nagsisilbing “potential market” o ang pagkakaroon ng malaking produksyon sa ekonomiya.

Sa kabilang banda, ang patuloy na pagtaas ng populasyon ay nagbubunga ng kahirapan, mababang kalagayan ng buhay, malnutrisyon, pagkasira ng kapaligiran, at kakulangan ng hanapbuhay para sa lahat. Ang ganitong sitwasyon ay ang mga suliraning kinakaharap ng mga mahihirap na bansa o Third World Countries. Ipinahayag ni Thomas Robert Malthus ang Malthusian Theory sa aklat niyang “An Essay on the Principle of Population” na ang populasyon ngayon ay mas mabilis lumaki kaysa sa suplay ng pagkain. Binanggit pa niya na kapag hindi nasugpo ang patuloy na paglago ng populasyon ay marami ang magugutom at mamamatay.

Batay sa Microeconomic Theory of Fertility, ang sapat na kaalaman at mabuting pagpapasiya ay ang susi upang mapigilan ang sobrang paglaki ng populasyon. Ito ay napakahalaga hinggil sa pagbuo ng pamilya sapagkat dito matitimbang ang mga epektong maidudulot sa pagdaragdag ng anak. Ngayong mulat tayo sa modernisasyon, ay matuto rin dapat tayong imulat ang ating mga mata at kamalayan sa kung ano ang wastong gawin. Ang paglaki ng populasyon ay marapat na bigyang pansin nating lahat dahil tayo rin naman ang maapektuhan. Sa bawat pagdedesisyon at pagkilos ay may kaakibat na resulta, mabuti man o hindi. Bawat isa sa atin ay may karapatang makapili ng tatahaking landas kaya marapat lamang na gamitin ito sa matalinong paraan upang sa gayon ay hindi tayo magsisi sa huli. Kung isasaalang-alang lamang natin ito, kasabay ng pamumukadkad ng bulaklak ay ating masisilayan ang napakagandang sinag ng araw, ang araw ng bagong simula.