Biyernes, Enero 16, 2015

IKAW NA HUMUSGA


Daigdig nati’y puno ng mga matang mapanghusga.
Lahat ng kilos, sinusubaybaya’t pinupuna.
Papuri’t kritisismo, nariyan na ngang tuwina,
Anumang gawin hindi maiiwasang talaga.

Bibig, mata’t isip ay ibinigay ng Maykapal,
Nang magamit natin sa makabuluhang paraan.
Ngunit ito ay naging taliwas sa nararapat,
Ginawang instrumento upang masaktan ang kapwa.

Sa bawat paghusga’t paghatol kaagad sa iba,
Sa pagbibigay puna sa may sariling buhay,
Sa pagtingin sa panlabas na kaanyuan lamang:
Nagpapatunay sa isang makitid na isipan.

Sadyang asal na nga ng marami ang pagdudahan,
Ang magagandang bagay tungkol sa kanilang kapwa.
Naniniwalang tunay ng walang alinlangan,
Sa hindi magandang bagay na naririning nila.

Huminto muna sumandali at magmuni-muni.
Tumingin sa salamin at tanungin ang sarili,
Mga ginagawa ba’y nakalulugod sa Itaas.
Imulat mata’t kamalayan sa kung ano ang tama.

Sikapin sana nating huwag humatol kaagad,
Wala tayong malay sa magiging hatid ng bukas.
Pangyayari sa buhay, pira-pirasong pangarap,
Tanging ang Diyos lamang natin, may alam ng lahat.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento