Sa aking pagtanaw sa bintana ay aking nakita ang tunay na buhay ng isang tao. Nasulyapan ko ang pagtangis at pagdadalamhati sa kanilang mga mata. Dahil sa pangyayaring ito, naitanong ko sa aking sarili, bakit kaya hindi maalis ang pagdanas ng mga problema at pagsubok sa buhay? Itong mga problema ay ang nagiging dahilan upang mawalan ng pag-asa at manatili na lamang sa pagkakalugmok ang ilang tao. Masakit isipin na ang ilan sa atin ay hindi na nagagawang humanap ng paraan upang malagpasan at makaraos sa pagdurusa.
Lahat ng tao ay nagkakaroon ng problema. Ito ay maaaring problema sa kalusugan, edukasyon, pagmamahal, pamilya, pera, at iba pa. Hindi natin masasabi kung kailan ito darating. Minsan ay paggising pa lang, may problema na agad na hinaharap. Tila ba, ang mga problema at pagsubok ay isang malakas na hampas ng alon sa isang kastilyong buhangin na kung saan ay ang sumisira sa buhay.
Bagaman, huwag kang sumuko agad at sa halip ay alalahanin palagi ang salitang MATATAG.
M – Manalangin sa Panginoon: Tandaan mo na napakalaking tulong ang nagagawa ng isang taos-pusong panalangin sa pagharap sa problema. Ito ang pinakamalakas na sandata sa lahat. “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos”, ang sabi sa Filipos 4:6. Kaya naman napakahalaga ng isang panalangin dahil tutulungan ka ng ating Panginoon upang iyong malampasan ang kahit anong pagsubok. Ikaw ay Kanyang gagabayan at aalalayan sa pagtahak sa buhay.
A – Alisin ang takot: Kahit ano pa mang problema, matutong tanggalin ang nadarama mong takot na baka hindi mo ito kayanin. Lagi mong isipin na magtatagumpay ka. Kung hindi mo aalisin ang takot, hindi ka talaga magwawagi at tatalunin ka lamang ng problema. Sabi nga, “what the mind can imagine and believe it can be achieved.”
T – Tanggapin ang problema: Kung dumating man ang mga pagsubok, huwag mo itong iwasan bagkus ay tanggapin at harapin mo ito ng buong tapang. Kung tatakasan mo ito ay wala pa ring mangyayari at patuloy ka pa ring hahabulin nito. Kung iiwas ka, hindi mo malalaman na kaya mo pala itong harapin.
A – Ayusin ang pananaw sa buhay: Gaano man kasakit ang iyong nararanasang dagok, maging positibo pa rin sa pagharap nito. Malaki ang nagagawa at naitutulong ng isang positibong pananaw sa buhay upang kayanin ang hampas ng pagsubok dahil dito ka makahuhugot ng lakas at tiwala sa sarili na makakaraos ka mula sa pagdurusa.
T – Tumayo at tuyuin ang luha sa mga mata: Ilang beses ka pa man madapa, magalusan at tumangis, pilitin mo pa ring tumayo, at ipagpatuloy ang paglaban. Huwag kang sumuko sa laban, sa halip ay ibigay mo ang lahat ng iyong makakaya upang mapagtagumpayan ang hamon sa iyo ng buhay.
A – Alamin kung paano malalampasan ang pagdurusa: Humanap ka ng paraan kung paano ka mananalo, isang paraan na hindi huwad, walang bahid ng pandaraya o hindi pagkapit sa patalim. Isipin mo kung paano ka makakalabas sa isang labyrinth. Gamitin mo ang iyong talino at abilidad upang makalampas ka sa pagsubok.
G – Gamitin ang naranasang problema upang patatagin pa ang sarili: Sa bawat pagsubok na iyong nalalampasan at napagtatagumpayan ay nakatutulong ito upang mas mahubog pa ang iyong pagkatao. Ang mga napagdaanang problema ay tumutulong sa iyo upang ikaw ay mas lumakas at tumapang pa sa pagharap sa buhay.
Tunay nga na ang buhay ay tulad ng isang gulong, minsan ay nasa ibaba at minsan ay nasa itaas naman. Kapag nakakaranas ng dagok sa buhay, ikaw ay nasa ibaba ngunit kung napagtatagumpayan mo naman itong harapin, ikaw ay nasa itaas. Kay sarap sa pakiramdam na nakayanan mo ang isang problema dahil bago mo ito nalampasan ay talaga namang dumaan ka muna sa butas ng karayom. Isipin mo lang na sa bawat pagsubok na iyong nalalampasan ay mas nagiging matatag ka. Gayunpaman, sa tulong ng isang tapat na pananalig sa Diyos ay magtatagumpay ka sa hamon. Wika nga nila, “pagkatapos ng ulan ay masisilayan mo ang isang napakagandang bahaghari” na magpapangiti sa iyo at masasabi mo sa iyong sarili na ito na ang bagong simula sa iyong buhay.